Pamamaalam kay Dante Ambrosio
By Judy Taguiwalo
Saturday, June 4, 2011
Pumanaw si Dr. Dante Ambrosio, propesor ng kasaysayan sa UP Diliman, kaninang madaling araw. Nasa UP Catholic Chapel ang kanyang labi at mananatili doon hanggang Linggo ng gabi. Sa Lunes ay ililipat ang kanyang labi sa kanilang tahanan sa Caloocan.
Nasa ibaba ang aking pamamaalam sa kanya.
Dante Ambrosio: "Audience ko sana estudyante at teacher. di totoo na kabataan lang ang di nakakaalam nito. pati nga matatanda. kaya nga walang laman ang mga teksbuk pagdating sa panahong ito."
Si Dr. Dante Ambrosio ay isa sa mga miyembro ng aking panel sa aking disertasyon na may paksang kababaihan at unyonismo sa panahon ng kolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas. Ito ang banggit ko sa kanya sa aking pasasalamat na laman ng natapos na disertasyon, “Ang tanging lalaki sa aking panel si Dr. Dante Ambrosio, dalubhasa sa kasaysayan ng militanteng unyonismo sa Pilipinas, ay masinop na tumukoy sa mga kakulangan sa istadistika at pagsusuma.” Pagkilala ito sa pagsuyod ni Dante sa mahigit na 200 pahina ng disertasyon at ang pagtitiyak na tama ang aking mga datos at mga pormulasyon.
Pero higit pa sa pagiging mentor sa Ph.D. ang pagkakakilala ko kay Dante.
Bahagi ng First Quarter Storm o FQS 1970 si Dante Ambrosio. High school pa lang siya noong naging aktibista; sa pagkaalam ko una sa Philippine Science High School at bandang huli lumipat sa isang high school sa Tondo kung saan siya nagtapos.
Di ko nakadaupang palad si Dante sa panahon ng FQS (kahit na iisa ang organisasyon ng kabataan na kinabibilangan naming noon, ang Samahang Demokratiko ng Kabataan). Organisador na ako sa amin sa Negros at Panay nang nag-aral siya sa UP noong panahon ng martial law.
Noong 1998 o 1999, sa isang porum ukol sa batas militar sa UP ko unang narinig siyang magsalita. Ang kanyang paksa ay ang resistance sa UP Diliman noong mga unang buwan ng batas militar pagkatapos muling nabuksan ang pamantasan. Engaging na kwentista si Dante, buhay na buhay ang kanyang kwento sa samu’t saring pagpahayag ng pagtutol ng mga iskolar ng bayan sa napakahigpit na kondisyon noon. Ayon sa kanya, iisa ang pasukan sa Palma Hall; mga sundalo ang nakabantay. Gayunpaman, mapanlikhang naipahayag ng mga estudyante ang pagtutol.
Dalawa ang matandaan ko sa kanyang pagbabahagi. Ang una ay ang pagsabit sa leeg ng mga pusang gala sa AS ng mga papel na may nakasulat na mga islogang kontra batas militar at ang mga habulang nangyari sa pagtatangka ng mga sundalong hulihin ang mga pusa. Ang ikalawa ay ang sabay-sabay na pagpatonog ng mga baso gamit ang mga dulo ng kutsara sa ritmo ng “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta” kapag tanghali sa Vinzon’s cafeteria. Mas buo ang salaysay sa ni Dante sa panahong iyon sa kanyang kontribusyong “Pangangapa sa Simula ng Martial Law” sa librong “Serve the People, Ang Kasaysayan ng Radikal na Kilusan sa Unibersidad ng Pilipinas” na inilathala ng CONTEND-UP at ng Ibon.
Bilang bahagi ng paglikha ng kasaysayan noong batas militar at bilang propesor ng kasaysayan, masinop na taga-ipon si Dante ng mga dokumento at mga larawan kaugnay ng batas militar dahil napakahalaga ng primary sources para sa mga historians. Noong maagang bahagi nang pagkakilanlan namin sa UP nang bumalik ako para magturo, tuwang-tuwa niyang ibinahagi na may kopya siya ng isang underground newspaper noong 1974 na nagheadline ng pagtakas ko at ng lima pang kasamahan mula sa Ipil Detention Center sa Fort Bonifacio. Panahon na magkaibigan na kami sa Facebook nitong Pebrero 2010 ipinadala ni Dante ang ang link sa scanned copy ng Pagsilang (Pahayagan ng Diwang Rebolusyonaryo) na laman ang banner headline "Anim pa ang nakatakas sa Fort Bonifacio"-- http://dlambrosio.multiply.com/photos/album/9/Pagsilang_Nobyembre_1974#photo=1
Hindi lang ito ang natipon at nascan ni Dante. Sa kanyang multiply account, http://dlambrosio.multiply.com/ , naupload niya ang walong albums ng scanned photos ng mga dyaryo sa panahon ng batas militar.
Dahil inaalam pa lamang ang teknolohiya ng internet, masaya niyang ibinalita sa aming palitan sa private messages sa Facebook na "judy, pakitingnan ang photo album na ipinasok ko dito sa fb. baka puwede na rito sa halip na sa multiply pa. ".
Narito ang naging palitan namin kaugnay ng pagbabahagi sa publiko ng kanyang koleksyon:
February 24, 2010
Judy Taguiwalo
pwede nga sa FB photo album pero sana iupload mo rin sa multiply.
di basta basta maakses ng public ang FB unless sila ay myembro mismo. Pero ang mga posts sa multiply ay pwedeng lumabas sa internet search o sa pagoogle. Kailangan lang lagyan ng tags kung anong laman nito. itatanong ko pa sa ibang maalam sa internet.
yehey, magaling na nauumpisahan na ang pagpost mo ng napakahalagang koleksyon mo.
February 24, 2010
Dante Ambrosio
pakitanong na rin kung paano ilipat sa isa ang nai-post na sa iba. ang tagal kasing mag-upload kapag documents. audience ko sana estudyante at teacher. di totoo na kabataan lang ang di nakakaalam nito. pati nga matatanda. kaya nga walang laman ang mga teksbuk pagdating sa panahong ito.
Hindi na naasikaso ni Dante ang proyektong ito: ang pagtitiyak na malaman di lamang ng mga kabataan kundi ng matatanda ang malagim na mga pangyayari noong batas militar at ang tapang at determinasyon na ipinakita ng mga tumindig at lumaban. Lumala ang sakit niya sa puso na noong 2008 pa nadiagnose at nangangailangan ng heart valve replacement surgery. Pero katulad sa maraming mga guro at kawani sa UP at mga karaniwang mamamayan, malaking sagabal ang kakulangan sa panustos, para kagyat na magawa ang kailangang operasyon kay Dante. Ayon sa kanya: "Wala sa isip ko na matutuloy ang operasyon dahil mahal nga. Umasa din ako na baka makukuha pa sa gamot gaya ng sinabi ng isa pang doktor."
Huli kaming nagkita sa UP noong Hunyo 16, 2010 bago ang kanyang operasyon. Kasama si Baby ang kanyang kapatid na talagang buo ang suporta sa kanya at si Nak Gabriel, na kapwa guro sa kasaysayan, naghalo halo kami sa Vargas Museum. At typical na Dante, dala dala niya ang isang folder ng mga litrato ng mga martir ng kilusan sa panahon ng martial law—mga larawan ni Nik Lansang at ni Alex Boncayao. Nasa FB ang souvenir ng pagsasama naming noong hapon na iyon -- https://www.facebook.com/media/set/?set=a.1367563427031.2047070.1170042080
Natuloy din ang operasyon ni Dante nitong 2010. Malaki ang naitulong ng kanyang Departamento kabilang na ang pag-asikaso ng sabbatical leave siya sa panahon ng operasyon at pagpapagaling. Nagamit ni Dante ang one-shot na hospitalization assistance fund mula sa UP na P200,000 pero hindi ito naging sapat sa pagtugon sa gastos pa lamang sa operasyon. Nagfund raise ang mga dating estudyante ni Dante at talagang ikinagalak niya ito nang lubos. Pero kahit na matagumpay ang heart valve replacement surgery, di na bumalik ang dating lakas ni Dante at di na siya muling nakabalik sa pagtuturo.
Sa pagpanaw ni Dante Ambrosio, nawalan tayo ng isang mahusay na historyador ng bayan; at sa mga parangal ng mga dating estudyante ni Dante, ng isang mahusay na guro ng kasaysayan na nakatulong sa pagmulat sa kanila.
Dante Ambrosio. Presente!
Philippine Science High School Batch 2 Website
|